Nanawagan si House Speaker Martin Romualdez sa mga kaalyadong bansa lalo na ang mga miyembro ng Association of Southeast Asian Nations o ASEAN na makiisa sa pagkondena sa panibagong insidente ng harassment ng China sa resupply mission sa West Philippine Sea.

Ayon kay Romualdez, dapat na suportahan ng international community ang paggiit sa prinsipyo ng freedom of navigation at rule of law at pagpapanatili ng kapayapaan sa rehiyon.
Ang deployment ng Chinese ships ng water cannon at tangkang pagharang sa resupply boats ng Pilipinas ay maituturing aniyang pag-atake ng isang kalaban na lumalabag sa karapatan at sa nakapaloob sa United Nations Convention on the Law of the Sea.
Paliwanag ni Romualdez, ang harassment, panghaharang, mapanganib na pag-maniobra at pagpapakalat ng water cannon laban sa mga barkong walang armas ay malinaw na pagbalewala sa diplomatic processes.
Hindi rin umano ito dapat kunsintihin dahil sinisira nito ang kapayapaan at stability sa rehiyon.
Kasabay nito, muling umapela ang House Speaker sa China na tigilan na ang pananakot at kilalanin na ang 2016 The Hague tribunal ruling na nagbubura sa expansive claims nito sa WPS.
Pagtitiyak pa ni Romualdez, nakahanda ang gobyerno na gawin ang lahat ng hakbang kabilang ang paghahain ng diplomatic protests upang panindigan ang soberanya ng bansa at siguruhin ang kaligtasan ng mamamayan.