Aprubado na ng House of Representatives sa ikalawang pagbasa ang panukala na magbibigay ng proteksyon para sa mga freelancers o para sa mga manggagawang tumatanggap ng trabaho na per-project basis.
Inilalarawan sa House Bill No. 6718 ang mga freelance worker bilang mga indibidwal, maging ito man ay incorporated sa ilalim ng Securities and Exchange Commission (SEC), rehistrado bilang sole proprietor sa ilalim ng Department of Trade and Industry (DTI), o rehistrado bilang self-employed sa Bureau of Internal Revenue (BIR), na na-hire o na-retain para magbigay ng mga serbisyo kapalit ng kompensasyon, at independent contractor na hindi sumasailalim sa kontrol ng hiring party.
Batay sa panukala, nakasaad na ang written contracts ay kailangang gawin bago gawin ang mga serbisyo ng isang freelance worker, gaya ng itemization ng lahat ng mga serbisyo na ibibigay ng freelance worker; detalye ng kompensasyon at iba pang benepisyo, kabilang na ang rate, method, at schedule of payment; period of employment; grounds para sa breach of contract sa panig ng parehong hiring party at ng freelancer; at ang iba pang mga kondisyon, term o clause na ipinag-uutos ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Maliban dito, kailangan din umanong walang ipapatupad na modification sa terms ng kontrata maliban na lamang kung pinag-usapan ng parehong hiring party at ng freelance worker.
