CAMARINES NORTE- Problema pa rin ngayon ng karamihan sa mga bayan sa lalawigan ng Camarines Norte ang kakulangan o pagkakaroon ng gap pagdating sa Human Resources for Health.
Ang bagay na ito ay tinalakay sa katatapos lang na dalawang araw na Consultative Meeting on Universal Health Care na ang unang araw ay dinaluhan ng mga Local Chief Executive at iba pang Municipal Officials sa ikalawang distrito at ang ikalawang araw naman ay ang mga taga unang distrito ang participants.
Ayon kay OIC Provincial Health Officer I Dr. Rachel Diezmo may sinusunod na standard para sa mga HRH depende sa populasyon sa isang lugar.
Batay umano sa standard isang doktor sa kada 20,000 population at kapag sumobra dito ay kailangang magdagdag.
Isang dentista naman ang kailangan sa kada 50,000 populasyon, isang midwife sa kada limang libo at kung mayroong laboratoryo ay dapat mayroong isang Medical Technologist.
Isang nurse naman ang ratio sa kada sampung libong populasyon.
Sa Jose Panganiban ay tatlong doktor ang kailangan pero mayroon lang itong dalawa ngayon.
Ganito rin ang sitwasyon sa Paracale, Sta Elena at iba pang mga bayan.
Bukod sa mga nabanggit na bayan sa unang distrito halos ganito rin ang sitwasyon sa ikalawang distrito.
