Kakulangan sa detalye ng pagtatanggol sa WPS at pagpapanagot sa EJK perpetrators, laman ng Counter-SONA ng isang opposition lawmaker

Muling ipinanawagan ni Albay Representative Edcel Lagman sa administrasyong Marcos ang paglulunsad ng isang summit kasama ang mga bansang sumusuporta sa arbitral award ng Pilipinas.

Sa privilege hour sa Kamara, inilahad ni Lagman ang kanyang Counter-State of the Nation Address kung saan nakulangan ito sa naging paninindigan ni Pangulong Bongbong Marcos hinggi sa isyu ng West Philippine Sea.

Ayon sa kongresista, hindi naidetalye ng pangulo kung paano ipatutupad ang napagwagiang arbitral ruling noong 2016 lalo’t malinaw na bigong mapigilan ng bilateral diplomatic discourse ang China.

Read More:  BOC disposes remaining vehicles linked to Discaya couple

Dapat aniyang ikasa ang summit kasama ang G-7 countries, European Union member countries at African States.

Punto ni Lagman, sa pamamagitan nito ay maipararating sa China ang suporta ng mundo sa ating bansa at mapipilitan umano silang itigil na ang pagiging agresibo at panghihimasok sa mga teritoryo sa WPS.

Bukod dito, maaari umanong magpatupad ng calibrated economic sanctions laban sa China kung patuloy nitong hindi kikilalanin ang arbitral award.

Read More:  DOLE Region III director suspended following Pampanga building collapse

Samantala, bagama’t kinikilala ni Lagman ang “bloodless campaign” ng administrasyong Marcos laban sa ilegal na droga, binigyang-diin nito na kailangang panagutin ang mga nasa likod ng umano’y extrajudicial killings na nangyari sa ilalim ni noo’y Pangulong Rodrigo Duterte.

Dagdag pa ng mambabatas, dapat paimbestigahan ni Pangulong Marcos ang 727 kaso ng pagpatay na may kinalaman sa kampanya laban sa droga ng kasalukuyang administrasyon kung saan base sa “Dahas Project” ng UP Third World Studies Center, 41.27 percent ng mga pagpatay ay kagagawan ng mga pulis.