May sapat na panahon ang Kongreso para himayin ang panukalang pambansang budget para sa susunod na taon.
Ayon kay House Senior Deputy Speaker Aurelio Gonzales Jr., tatlong linggong mas maaga sa constitutional deadline ang pagsusumite ni Pangulong Bongbong Marcos sa 2025 National Expenditure Program.
Sa ilalim ng Konstitusyon ay binibigyan ng tatlumpung araw ang punong ehekutibo mula sa pagbubukas ng regular session ng Kamara upang isumite ang proposed spending program.
Iginiit din ni Gonzales na si Pangulong Marcos lamang umano ang naaalala niyang nagsusumite ng budget proposal na mas maaga sa deadline na patunay ng pagtalima sa constitutional duties at paggalang sa lehislatura.
Naniniwala naman ang House leader na magsisilbing sukatan ang 2025 national budget sa implementasyon ng bagong batas na New Government Procurement Act.
Ito aniya ang unang full-year spending measure na saklaw ng bagong procurement law.
Punto ni Gonzales, maaaring makapagtabi ng bilyun-bilyong piso, mahabang oras at lakas sa tulong ng batas dahil sa transparent, mabisa at may pananagutang procurement processes.
#