Pag-uusapan ng Inter-Agency Task Force (IATF) sa Lunes ang bagong quarantine status sa bansa na paiiralin hanggang sa katapusan ng Pebrero.
Ayon kay Interior Secretary Eduardo Año, aalamin ng IATF kung handa na ang National Capital Region na malagay sa ilalim ng Alert Level 1.
Sinabi ni Año na bagong alert level classification ng NCR mula February 16-28, ay didipende sa presentasyon ng Technical Working Group (TWG).
Gayunman, iginiit ng kalihim na kailangan ay mas maging mahigpit ang pagbabantay sa mga susunod na araw lalo na’t papalapit na ang eleksyon at umiigting na ang mga pangangampanya.
Ipinunto rin ni Año na dadagdag pa rito ang local election period.
Sa kasalukuyan ay nasa ilalim ng Alert Level 2 ang Metro Manila at ang maraming probinsya mula February 1-15.
