Issue sa WPS – ‘di raw dapat gawing dahilan para madaliin ang Mandatory ROTC

Naaalarma si Kabataan Party-list Representative Raoul Manuel sa biglaang pagmamadali ng liderato ng Senado na maipasa ang panukalang pagbabalik ng Mandatory Reserve Officers Training Corps o ROTC sa bansa.

Ito’y sa kabila umano ng magkakaibang pananaw ng mga senador sa naunang mga deliberasyon at kakulangan ng suporta mula sa publiko, primary stakeholders at civil society.

Ayon kay Manuel, ang ginawang commitment ng Senado na mistulang i-railroad o madaliin ang pag-apruba sa Mandatory ROTC ay kasabay ng tumitinding tensyon sa West Philippine Sea sa mga nakalipas na buwan.

Punto ng kongresista, sana ay hindi gamitin ang isyu ng girian ng China at Estados Unidos sa karagatan ng Pilipinas upang idaan sa paspasan ang pag-apruba sa panukala.

Dapat aniya ay ihanda ang mga kabataan na magmahal at maglingkod sa bayan sa halip na sa digmaan ng mga dayuhan.

Paliwanag pa nito, tanging Amerika ang makikinabang sa milyun-milyong kabataan na magiging army reserve sakaling madamay ang Pilipinas.

Kaya naman dapat umano ay tugunan muna ang krisis sa edukasyon at gawing mandatory ang pagtuturo ng Konstitusyon at kasaysayan sa high school at kolehiyo at hindi Mandatory ROTC.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *