Handa na ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council ng Isabela sa posibleng pag-landfall ng Bagyong #KristinePH sa Lalawigan bukas ng gabi.
Sa panayam ng Brigada News Team kay PDRRMC Isabela Head Atty. Constante “Watu” Foronda, isa ang Isabela sa mga probinsiya na madalas daanan ng bagyo kaya ngayon pa lamang ay nakahanda na ang kanilang tanggapan maging ang iba’t ibang mga Municipal Disaster Risk Reduction offices sa buong lalawigan.
Mayroon na ring mga relief packs na nakahanda kung kakailanganin ng mga lokal na pamahalaan ang assistance mula sa PDRRMC at nakahanda na ang MDRRMO sa mga coastal town para sa posibleng pag-evacuate ng mga residente.
Nagpaalala naman si Atty. Watu sa publiko na mag-ingat sa mga pinaniniwalaang mga impormasyon sa social media, maging sa mga natatanggap na text na may kaugnayan sa bagyo.
Samantala, bubuksan ng NIA-MARIIS ang isang spillway gate ng dam mamayang ala-una ng hapon at magpapakawala ng 144 cubic meter per second ng tubig dahil inaasahan ang pagtaas ng elevation bunsod ng ulang dala ng bagyo.