CAMARINES NORTE – Muling nakapagtala ng mataas na kaso ng COVID- 19 ang lalawigan ng Camarines Norte batay sa ulat ng Department of Health (DOH) nitong Martes.
Nasa 44 ang kabuuang bilang ng mga naitalang bagong kaso at pangalawa sa pinakamataas sa loob lang ng isang araw matapos na unang makapagtala ng 45 noong Abril.
Sa bayan ng Basud, anim ang naitalang bagong kaso ng sakit at ang isa dito ay namatay na.
Siya si Bicol No 10791, isang 67 anyos na lalake mula sa Barangay Mocong.
Una itong nakaramdam ng sintomas noong May 5 at hindi pa mabatid sa ngayon kung paano nito nakuha ang sakit lalo’t wala itong travel history.
Wala ring travel history at “unknown” ang history of exposure ni Bicol No 10802, isang 60 anyos na babae mula sa Barangay Laniton at Bicol No 10803 na isang 34 anyos na lalake na mula rin sa nabanggit na Barangay.
Unang nakaramdam ng sintomas si Bicol No 10803 noong May 7 habang si Bicol No 10802 naman ay noong May 12.
Ang dalawa ay kasalukuyang nagpapagaling sa Camarines Norte Provincial Hospital (CNPH).
Close contact naman ng naunang kaso ang tatlong bagong nagpositibo mula sa Barangay Mampili.
Si Bicol No. 10821 ay isang 11 anyos na batang lalake habang si Bicol No 10822 ay isang 12 anyos na batang babae. Kapwa walang nararamdamang sintomas ang dalawa.
Habang si Bicol No 10823 naman ay isang 56 anyos na lalake na unang nakaramdam ng sintomas noong May 12.
Tulad nina Bicol No. 10821 at Bicol No 10822, close contact din si Bicol No 10823.
Ang mga ito ay naka- isolate na sa District II Temporary Treatment and Monitoring Facility sa Mat- I sa bayan ng Vinzons.

