Indonesian POGO worker – na-kidnap

Na-rescue ng mga opisyal ng Barangay Malabag sa Silang Cavite ang isang Indonesian National na biktima umano ng kidnapping.

Sa ulat ng Silang Municipal Police Station sa Cavite Police Provincial Office, kinilala ang dayuhan na si Teddy Sufendy, 28 taong gulang at nagtatrabaho bilang POGO-Search Engine Maintenance sa Makati City.

Sa paunang imbestigasyon ng Silang MPS, ang biktima ay iniulat na dinukot noong Mayo 4, 2024, sa Makati City ng mga hindi pa nakikilalang indibidwal.

Sa salaysay ni Sufendy, siya ay piniringan at iginapos ng mga suspek.

Napilitan ding mag-download ng Telegram ang kanyang asawa upang makipag-ugnayan sa mga kidnapper.

Sinabi ni Sufendy na ibinyahe siya mula Makati City patungong Tagaytay City, Cavite, kung saan umano siya ikinulong.

Nagawa umano niyang makatakas at naglakad nang higit sa apat na oras noong May 13 hanggang sa makarating sa harap ng isang simbahan sa Barangay Malabag, kung saan siya natagpuan ng mga opisyal ng barangay.

Sa salaysay pa ng bitkima, ninakaw umano ng mga suspek ang kanyang mga gamit kabilang ang isang iPhone 15 at wallet na naglalaman ng Php5,000.00 at iba’t ibang identification cards.

Nakipag-ugnayan na ang Silang MPS sa Makati Police para sa berpikasyon. Nakipag-ugnayan na rin sila Bureau of Immigration at Embassy of Indonsia sa Maynila para sa imbestigasyon.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *