6 na penalty, posibleng kalagyan ni ex-speaker Alvarez sakaling magtagumpay ang ethics complaint

Kinumpirma ni House Committee on Ethics Vice Chairman at AKO BICOL Party-list Representative Jil Bongalon na anim na sanctions ang maaaring kaharapin ni dating Speaker Pantaleon Alvarez.

Ito’y kaugnay sa reklamong inihain laban sa kanya matapos ipanawagan sa rally ng mga tagasuporta ng mga Duterte sa Tagum City na bawiin na ng Armed Forces ang suporta kay Pangulong Bongbong Marcos.

Sa pulong balitaan sa Kamara, sinabi ni Bongalon na kung titingnan ang rules ng Committee on Ethics ay mairerekomenda nito ang admonition, reprimand, censure, suspensyon sa loob ng hindi lalampas sa animnapung araw, pagkakatanggal bilang kongresista at iba pang parusang nais ipataw.

Pero nilinaw nito na kailangan pang pagbotohan sa plenaryo kung aaprubahan o hindi ang mga rekomendasyon ng komite.

Ibinahagi rin ni Bongalon na hanggang ngayon ay wala pang natatanggap na sagot ang Ethics Committee mula kay Alvarez.

Sa Huwebes nakatakdang magtapos ang ibinigay na sampung araw sa kinatawan ng Davao del Norte upang ipaliwanag ang kanyang panig.

Bukod sa alegasyon ng inciting to sedition, kabilang din sa ethics complaint laban kay Alvarez ang umano’y madalas na pag-absent sa Kamara.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *