Kasadong kasado na ang panunumpa ni Vice President-elect Sara Duterte sa Hunyo a-disi nueve.
Sa pahayag mula sa kampo nito, idaraos ang kanyang inaguras yon sa San Pedro Square sa Davao City.
Maguumpisa ang programa sa pamamagitan ng isang thanksgiving mass sa pangunguna ni Archbishop Romulo Valles sa San Pedro Cathedral.
Samantala, kinumpirma na manunumpa si Duterte kay Supreme Court Justice Ramon Paul Hernano bilang ika-15 Bise Presidente ng Republika ng Pilipinas.
Matapos ang misa at pormal na oath-taking, idaraos din ang isang thanksgiving concert.
Pinayuhan naman ang mga dadalong taga-suporta ni Duterte na sumunod pa rin sa mga health protocols pagdating sa venue.
Kabilang na rito ang pagsusuot ng face masks, at regular na pagsa-sanitize ng kamay.
Mahigpit na ipagbabawal ang pagdadala ng backpacks, jackets, at lalo na ang mga matutulis na mga bagay.
SECURITY MEASURES, TINIYAK NG DAVAO CPS
Puspusan na ang paghahanda ng Davao City PNP para sa nalalapit na inagurasyon ni Vice President elect Sara Duterte.
Sa Laging Handa Public Briefing, sinabi ni Police Major Maria Teresita Gaspan na ‘all set’ na ang kanilang full security coverage sa June 19 para sa inagurasyon ng susunod na bise presidente ng bansa.
Aniya, nasa dalawang libong mga pulis ang idedeploy ng DCPO sa mismong araw ng inagurasyon.
Sinabi ni Gaspan na sa June 18 ay sisimulan nang ideploy ang mga nasabing pulis kasabay ng pagsisimula ng mga organizer para sa physical preparation ng inagurasyon.
Ongoing din aniya ang checkpoint sa Davao City kung saan simula pa noong magkaroon ng mga pagpapasabog sa Central Mindanao inilatag ang naturang checkpoint.
Nagpapatuloy din aniya ang iba pang mga pagpaplano para sa nasabing inagurasyon maging ang tinatawag na coordinating conferences para sa seguridad.
Una nang sinabi ng Philippine National Police na wala pa silang namomonitor na banta sa seguridad kaugnay sa inagurasyon ng bagong dalawang lider ng bansa.
#