Hinimok ni Senadora Risa Hontiveros ang Administrasyon na maghinay-hinay sa importation ng mga sibuyas.
Reaksyon ito ng mambabatas matapos aprubahan ni Panglong Bongbong Marcos ang importation ng mahigit 21,000 metric tons ng mga sibuyas na layong mapababa ang tuloy na pagsirit ng presyo nito sa merkado.
Sa isang pahayag, sinabi ni Hontiveros na dapat ay hintayin na muna ng Department of Agriculture (DA) ang resulta ng harvest season na magpapatuloy pa hanggang sa Abril.
Aniya, kung maganda naman daw ang magiging ani kagaya ng nakaraang taon ay baka hindi na kailangan pang mag-import ng pamahalaan.
Kung si Samahang Industriya ng Agrikultura o SINAG president Engr. Rosendo So naman ang tatanungin – hindi pa napapanahon para mag-angkat ng sibuyas.
Sa panayam, sinabi ni So na hindi maganda ang timing ng importation lalo na’t papalapit na ang harvest season ng sibuyas sa Pebrero.
Naniniwala rin ang agri-group na posibleng makaapekto ang pag-aangkat sa anihan ng mga local farmers.
Kung kailangan man aniya talagang mag-angkat ng Gobyerno, inirekumenda niya ang importation ng white onions.
Sa kabila niyan, naniniwala si So na pagsapit ng Pebrero ay unti-unti nang bababa ang presyo ng sibuyas sa merkado.
#