Inihayag ng International Monetary Fund noong Sabado na madadala ang request ng Ukraine para sa $1.4 billion na emergency financing sa board nito para maaprubahan ngayong linggo.
Inanunsyo rin ng IMF na sumasailalim na ito sa mga diskusyon kaugnay sa iba pang funding options kasama ang mga otoridad sa karatig na bansa na Moldova.
Ayon sa global lender, sumisipa na ang energy at grain prices dahil sa giyera sa Ukraine na dahilan para lumikas ang milyon-milyong refugees papunta sa mga karatig nitong bansa, habang patuloy na pinapatawan ng sanctions ang Russia.
Binigyang diin ng IMF matapos ang board meeting nito na pinamunuan ni Managing Director Kristalina Georgieva na bagamat “very fluid” ang sitwasyon at nakikitaan ng “extraordinary uncertainty” ay “very serious” na ang nagaganap na economic consequences sa buong mundo.
Babala ng IMF, magkakaroon ng “severe impact” sa global economy ang nagpapatuloy na giyera at ang mga sanctions na ipinatupad.
Iginiit ng IMF na lumilikha ang krisis ng adverse shock sa inflation at economic activity sa panahon na mataas na ang presyo ng mga bilihin.
