SORSOGON CITY – Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa nangyaring pamamaril-patay sa dalawang indibidwal sa Sitio Barayong, Brgy Biga sa bayan ng Magallanes, Sorsogon.
Sa pahayag sa Brigada News FM-Sorsogon ng imbestigador ng Magallanes Police, nagpapatuloy pa umano ang kanilang imbestigasyon sa motibo ng krimen, subalit sinabi nito na ang mga biktima at suspek ay magkakamag-anak man lang.
Kung babalikan, gabi noong Hunyo 30 ay pinagbabaril-patay sina Lito Bona, 30-anyos, may asawa at Marilyn Bolante, 21-anyos, may asawa parehong residente ng San Fernando, Masbate.
Kinilala naman ang mga suspek na si Judy Anne Fuṅelas at isang nakilala lamang sa bansag na si ‘Arging,’ kapwa residente din ng San Fernando, Masbate.
Sa ulat, umaga na ng Hulyo 1 nang mai-report ng Barangay Officials sa himpilan ng Pulisya ang nangyaring shooting incident sa kanilang lugar. Umano’y natutulog ang mga biktima nang pagbabarilin ng mga suspek gamit ang hindi matukoy na kalibre ng baril.
Dead on the spot ang mga biktima habang tumakas ang mga suspek at kasalukuyang tinutugis pa rin ng mga awtoridad.
