CAMARINES NORTE- Hindi tulad ng mga naunang National vaccination days, maluwag ngayon ang ilang vaccination site sa lalawigan ng Camarines Norte dahil kakaunti lang ang mga nagpapabakuna.
Sa unang araw ng pambansang bakunahan na tinawag na Bayanihan Bakunahan ay walang siksikan sa ilang mga vaccination centers.
Sa Central Plaza Mall sa bayan ng Daet ay kakaunti lang ang pila at bago pa man magtanghali ay wala na halos nagpapabakuna.
Ganito rin ang sitwasyon sa Basud Sports Complex kung saan maluwag din ang venue ng bakunahan.
Dinadala na rin kasi sa mga barangay ang pagbabakuna upang hindi na mahirapan pa ang mga tao.
Inanunsiyo naman ng Provincial Health Office na simula kahapon hanggang ngayong araw ay maaaring magpabakuna ang lahat ng mga naantalang na maturukan ng second dose ng Pfizer at Moderna.
Umapela naman si Department of Health Provincial Officer Dr. Jocelyn Iraola sa mga hindi pa nagpapabakuna na magtungo na sa mga vaccination site.
Batay sa ibinigay na target ng DOH Bicol para sa lalawigan ng Camarines Norte nasa 24, 276 na indibidwal ang dapat mabakunahan sa loob ng dalawang araw na NVD.
