CAMARINES NORTE- Pinayuhan ng Department of Health ang mga mag asawa at magsing- irog na mayroong planong mag date sa Valentine’s Day na kung maaari ay manatili na lang sa bahay sa gitna ng patuloy na banta ng COVID- 19.
Ayon kay DOH Provincial Officer Dr. Jocelyn Iraola posibleng maging dahilan pa kasi ito ng hawaan ng COVID- 19 kung marami ang lalabas ng bahay sa araw ng mga puso para mag date.
Aniya, pwede namang magkaroon na lang ng simpleng selebrasyon sa bahay lalo na ang mga mag asawa.
“Baka tumaas lalo na pagka Valentine’s day na lumabas ang mga tao para lang maipagdiwang, kaya naman po nating maipagdiwang ang Valentine’s day, sabihin natin sa minamahal natin mahal pa rin kita kahit hindi na muna lumabas,” ani Iraola sa panayam ng Brigada News FM Daet.
Pero kung gusto talagang mag date ay mas mainam umanong bakunado na kontra COVID- 19.
Simula noong Lunes ay niluwagan ng Provincial Incident Management Team ang restriction sa lalawigan kung saan pinapayagan nang lumabas ng bahay ang kahit na anung edad.
Pinalawig din ang oras ng curfew na mula sa dating alas 10 ng gabi ay ginawa itong alas 12 ng hatinggabi hanggang alas 4 ng madaling araw.
Hindi na rin required ang vaccination card kung lalabas ng bahay.
Kaugnay nito ay nagpaalala si Iraola sa bawat isa na maging disiplinado at sundin ang health protocol.
“Maging disiplinado na lang tayo na hindi natin makalimutan ang pag practice nung ating minimum health protocols at kung puwede, talagang magpabakuna na tayo ngayon bago pa mag valentine’s day.”
