LEGAZPI CITY – Umalma ang ilang mga nagtitinda ng bigas sa Legazpi City Public Market sa pagtaas ng presyo ng bigas sa buong bansa sa kabila ng ipinatupad na price freeze ng Department of Trade and Industry (DTI) kaugnay ng pagsasailalim sa Albay sa state of calamity dahil sa pag-aalburoto ng Bulkang Mayon.
Kalokohan umano ito para kay alyas “Philip”, tindero at may-ari ng bigasan sa nasabing pamilihan
Sa panayam ng Brigada News FM Legazpi sa kanya, sinabi niya na halos wala na nang bumibili ng bigas sa kanilang tindahan, kakailanganin pang magtaas ng presyo.
Hindi rin naman umano sila minomonitor at wala pang dumadaan sa mga tindahan nila na mga tauhan mula sa nasabing ahensya.
Ayon sa kanya, nakakatawa ang mga mahirap na mga mamimili dahil mahihirapan pa ang mga itong makabili ng kahit na isang kilo ng bigas dahil sa pagtaas ng presyo nito.
Samantala, nilinaw naman ng DTI Albay sa panayam na hindi na sakop ng kanilang hurisdiksyon ang pagtaas ng presyo ng agricultural commodities.
Ayon na kay DTI Albay head Noel Bonao, ang mga sakop lamang ng kanilang hurisdiksyon ay ang mga canned goods, noodles at iba pa, at hindi na rito kasama ang mga bigas, asukal at iba pang produktong agricultural.