LEGAZPI CITY – Kinumpirma ng Department of Health (DOH) Bicol na may ilan nang evacuees o residenteng apektado ng pag-aalburoto ng Bulkang Mayon ang nakakaranas na ng mga sintomas ng sakit dahil sa init ng panahon sa loob ng evacuation centers.
Ayon kay DOH PDO Albay Nurse 2 Gina Revereza, mula pa noong unang araw ng pananatili ng mga residente sa evacuation center, partikular sa Anislag National High School sa Daraga, mayroon na silang naitalang 26 na mga kaso ng sintomas na ikinonsulta sa kanila.
Aniya, karaniwan sa mga sintomas na ito ay ang ubo at sipon o acute respiratory infection na nararanasan ng mga batang may edad limang taong gulang pababa.
Maliban dito, kasama rin sa mga ikinonsulta sa kanila ay ang pananakit ng tiyan at hypertension dahil sa init ng panahon.
Mayroon din sa mga ito ang nakakaranas ng pananakit ng ulo at problema sa pagdumi.
Sinabi ni Revereza, mag-aapat na araw na kasing walang kuryente sa nasabing evacuation center, kung kaya’t napakainit sa loob nito.
Gayunpaman, tiniyak naman niya na bawat sintomas na kinokonsulta sa kanila ng mga evacuees ay nabibigyan naman ng karapat-dapat na gamot.
Bukod dito, sinasabayan na rin nila ito ng mga multivitamins upang lumakas ang kanilang resistensiya.
Kung malala naman ang nararanasan ng kanilang pasyente, agad nila itong inire-refer sa BRHMC, kung saan nakikipagkoordinasyon sila sa MDRRMO Daraga upang madala sila sa ospital upang mabigyan ng karampatang treatment.