Batangas City – Nabiktima ng illegal recruiter na nag-aalok ng trabaho bilang seasonal farm worker sa bansang Korea, ang ilang mga residente na mula sa Lemery, Batangas.
Kinilala ng mga awtoridad ang suspek na si Nenita Sangullas, habang minabuti namang hindi na pangalanan ang mga naging biktima nito.
Batay sa report, naaresto ang suspek sa ikinasang joint entrapment operation ng Criminal Investigation and Detection Group, Anti-Transnational Crime Unit (CIDG-ATCU) at Department of Migrant Workers-Migrant Workers Protection Bureau (DMW MWPB) sa NAIA Terminal 3 sa Pasay City.
Ayon sa mga taga Lemery, Batangas na nabiktima nito, pinangakuan sila ng suspek noong February 20,2024 ng direct-hire na trabaho sa Jeju Island, South Korea, bilang mga seasonal farm worker.
Dahil umano sa pangakong mabilis na proseso na makakaalis noong February 29, 2024 ay kaagad na nagbigay ang mga biktima ng P120,000.00 hanggang P130,000.00 bilang bayad.
Ngunit makalipas ang ilang buwang paghihintay, humingi na ng tulong sa tanggapan ng DMW-MWPB ang mga biktima para ireklabo ang suspek at nakumpirma nila doon na hindi pala awtorisado ang suspek para mag-alok ng trabaho papuntang ibang bansa.
Matapos matanggap ang reklamo, nagkasa ng entrapment operation ang mga awtoridad noong June 22, 2024 sa loob ng NAIA 3, kung saan huli ang suspek na tinanggap ang kulang na processing fee mula sa mga biktima.
Sa ngayon ay kasalukuyang nasa kustodiya ng CIDG detention facility sa Camp Crame ang suspek at nahaharap sa kasong Large-scale Illegal Recruitment at Estafa.