Nakipagpulong ang ilang mga Senador at Kongresista kay President elect Bongbong Marcos Jr. para talakayin ang iba’t-ibang legislative agenda sa ilalim ng kanyang administrasyon.
Kabilang sa pulong sila Senador Nancy Binay, Ronald dela Rosa, Lito Lapid, Bong Revilla, outgoing Senator Ralph Recto, newly elected Senator JV Ejercito, Jinggoy Estrada, Loren Legarda, at Raffy Tulfo.
Pinangunahan sila ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri habang ang contingent naman ng Kamara ay pinangunahan ni House Majority Leader Ferdinand Martin Romualdez.
Sa naturang pulong, natalakay ni Marcos ang mga nais niyang isulong at pagawan ng batas na maaaring isama sa kanyang kauna-unahang State of the Nation Address o SONA.
Sinabi ni Senador Zubiri na gusto ni Marcos na kaagad nilang pagtrabahuhan ang mga nararapat na batas na kailangang maipasa.
Tututukan sa ilalim ng administrasyong Marcos ang mga batas na magpapasiglang muli sa ekonomiya ng bansa, pagbangon mula sa pandemya, sa pagpapalakas ng healthcare system at ang agarang pagtugon sa climate change.
Ginanap ang pulong habang ongoing ang plenary session ng Senado kaya raw hindi nakasama ang iba pang Senador.(CLAY MARQUEZ)
#