CAMARINES NORTE- Nararanasan pa rin ngayon sa ilang lugar sa Camarines Norte ang kawalan ng suplay ng tubig simula pa kagabi.
Ito ay dahil sa nagpapatuloy pa ring emergency leakage repair sa San Vicente Storage Tank 557 mm diameter steel pipe transmission line sa Barangay Asdum sa San Vicente, Camarines Norte.
Batay sa orihinal na advisory ng Primewater mararanasan ang mababang pressure hanggang sa tuluyang pagkawala ng suplay ng tubig sa San Vicente, Daet North, Mercedes, Talisay at Vinzons simula alas tres ng hapon kahapon hanggang kaninang alas 6 ng umaga.
Pero hanggang ngayong tanghali ay hindi pa rin naibabalik ang suplay ng tubig sa mga nabanggit na lugar kaya naman idinaan na lang sa social media ng netizens ang pag- aalburuto.
Sa mensahe sa Brigada News FM Daet ni Primewater Branch Manager Engr. Mark Anthony Muroda kaninang umaga, inihayag nito na naka- red alert status sila dahil sa breakage sa mainline ng 500 mm na nagmumula sa spring source.
Nagpapatuloy sa ngayon ang ginagawang repair na sinimulan kahapon.
Malaki umano ang extent ng damage dahil may kalumaan na ang linya.
Hindi pa masabi ng Primewater kung kalian maibabalik ang serbisyong patubig sa mga apektadong lugar dahil magdedepende pa umano ito sa lawak ng pinsala.
