CAMARINES NORTE- Idinaan sa draw lots ng ilang Local Government Units sa Camarines Norte ang kanilang mga empleado na inirekomendang kumuha ng Career Service Examination- Pen and Paper Test (CSE- PPT), Professional at Sub- Professional levels sa Marso 13 nitong taon.
Ito ay makaraang limitahan ng Civil Service Commission ang dati nang limitadong bilang ng examinees.
Mababatid na inanunsiyo ng CSC na sarado na ang filing of application para sa naturang examinations.
Ang LGU Mercedes ay isa lamang sa nagpa- raffle mula sa lahat ng prospective examinees.
Binigyan lamang kasi ng 33 slots ang naturang LGU na may 16 na professional examinees at 17 naman sa sub professional.
Ganito rin ang ginawa ng LGU Basud na mayroon namang hindi bababa sa 40 alloted examinees.
Mayroong mahigit sa 80 LGU applicants sa Bicol Region.
Ang mga hindi naman sinwerteng mabunot ay may pagkakataon pa ring mag- apply sa gagawing examination sa June 2022.
Ang CSE- PPT sa Marso ay limitado lang sa mga empleado ng gobyerno anuman ang employment status kabilang na ang mga nasa contract of service at job order employees ng mga ahensiyang nakipag ugnayan sa CSC Regional Office V.
Gayunman pinag aaralan na rin umano ngayon ng CSC ang posibilidad ng pagbubukas ng application para sa June 19, 2022 CSE- PPT sa mas maraming bilang ng mga nagnanais kumuha ng exam.
