Nanawagan si Bayan Muna party-list Representative Carlos Zarate kay Pangulong Rodrigo Duterte na magpatawag ng special session ng Kongreso para aprubahan ang panukalang batas na magsususpinde sa excise tax sa langis sa loob ng humigit-kumulang anim na buwan.
Ayon kay Zarate, dapat gumawa ang gobyerno ng preemptive measures upang maibsan kahit papaano ang magiging epekto ng tensyon sa Eastern Europe sa mga bilihin, kabilang na ang langis.
Iginiit ng mambabatas na dapat nang gawin ito bago pa magsimula ang pangangampanya ng local candidates.
Aniya, maari naman idaos ang isang blended session muna upang umusad na ang panukala.
Samantala, igniit ng kongresista na hindi dapat harangin ng Department of Finance ang suspensyon o pagtanggal ng excise tax sa petrolyo, lalo na sa diesel, upang mapababa ang presyo ng langis o ng kahit anong bilihin.
Nagbabala si Zarate na kung hindi sususpindihin ang excise tax ay maari itong magresulta sa “price shocks” tulad ng nangyari noong 2018 nang ipatupad ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.
