CAMARINES NORTE- Nakunan ng larawan at video ang ilang mga kabataan habang may hawak at nagpapaputok ng “boga” o improvised canons.
Kuha ang larawan sa bayan ng Basud, Camarines Norte Miyerkules ng hapon kung saan makikitang tila “enjoy na enjoy” ang mga ito sa pagpapaputok.
Ipinarating ng Brigada News FM Daet ang mga kuhang larawan at video sa Basud Municipal Police Station na agad naman nangakong aaksyunan.
Ang improvised canon o “boga” ay isang handmade pyrotechnic devices na kadalasang gawa sa PVC pipes o kawayan.
Hindi hinihikayat ang pagggamit nito dahil maaari itong magdulot ng pagkasunog ng balat, sugat o pagkaputol ng bahagi ng katawan.
Sa ngayon ay nakapagtala na ng isang firework related injury ang lalawigan ng Camarines Norte noong bisperas ng pasko.
Ang biktima ay isang 13 anyos na lalake mula sa Barangay Gahonon sa bayan ng Daet na dinala sa Camarines Norte Provincial Hospital.
Nagtamo ito ng first degree burn sa mukha dahil sa paggamit ng boga.
Ikinaalarma naman ng Deparment of Health ang nauusong paggamit ng boga ngayon lalo na ng mga kabataan lalo’t tatlo sa limang kaso na naitala sa rehiyon ay dahil dito.
Sa isang pahayag pinayuhan ng ahensiya ang mga magulang na pagbawalan ang mga bata na gumamit ng mapanganib na firecrakers para maiwasan ang mga kaparehong insidente ngayong holiday season.
