Kinumpirma ng Office of Civil Defense (OCD) Bicol na apat katao ang namatay habang pito naman ang nawawala sa Bicol dahil sa epekto ng shear line nitong mga nakaraang araw.
Dalawa sa mga nasawi ang nalunod sa Camarines Sur habang ang dalawa naman ay kabilang sa siyam na mangingisda na naiulat na nawawala sa lalawigan ng Catanduanes.
Kinilala ang mga biktima na sina Zakiya Rae Mariano, 1 taong gulang na nalunod matapos mahulog sa baha malapit sa kanilang bahay; Nelson Dela Cruz, 64 anyos, na nalunod din habang sinusubukang tumawid sa ilog; at sina Arnel Araojo, at Noel Zafe, ang ilan sa nawawalang mangingisda mula sa Virac at Viga, Catanduanes.
Ayon kay Gremil Alexis Naz, OCD Bicol spokesperson, ang mga istasyon ng Coast Guard sa Bicol ay naka-red alert at patuloy pa rin ang pangangalap ng impormasyon sa mga bayan o lalawigan para sa sinumang posibleng nakaligtas o mga bangkay sa iba pang mga nawawalang mangingisda.
Nagpapatuloy ang search and rescue operations para sa walong nawawalang mangingisda na kinilalang sina Dante David, Domingo Bornilla, at Jason Mandasoc na pawang mula sa bayan ng Virac; samantala sina Ringo Tupig, Williy Uchi, Joebert Teano at Juanito Estrella Jr., ay mula naman sa bayan ng Viga.
Sinabi nito, ang aerial search and rescue noong Lunes ay nagbunga ng negatibong resulta, habang ang mga operasyon sa sakay ng mga bangka ay nasuspinde dahil sa malakas na alon.
Batay sa report ng Catanduanes PDRRMO, ang mga mangingisda mula sa Viga ay nangisda noong Disyembre 20 at inaasahang makakauwi noong Disyembre 23, habang ang mga mula sa bayan ng Virac ay nangisda noong Dec. 21 at inaasahang uuwi noong Disyembre 24.
Binigyan din, aniya, ng tulong ang mga pamilya ng mga nawawalang tao kabilang ang psycho-social interventions ng Department of Social Welfare and Development in Bicol (DSWD-5) Catanduanes satellite office.