Ilang barangay sa Nasugbu, naghahanda sa banta ng oil spill

BATANGAS CITY – Mahigpit ang ginagawang pagbabantay ngayon ng mga awtoridad sa bayan ng Nasugbu kaugnay sa posibleng pagkalat ng oil spill sa kanilang karagatang sakop.

Noon pang mga nakaraang araw, nagsasagawa na ng monitoring ang mga kinatawan ng Philippine Coast Guard, Bureau of Fire Protection, Municipal Disaster & Risk Reduction Office, Municipal Environment and Natural Resources Office, Bantay-Dagat ng Nasugbu, at mga Punong Barangay ng Coastal Barangay sa Nasugbu.

Bukod sa monitoring, itinuro ng mga kinatawan ng PCG ang tamang paggawa ng boom o pangharang sa oil spill upang kung sakaling ito ay nasa karagatan na ng Nasugbu ay agad mailalagay at maihaharang upang mapigilan ang tuluyang pagpasok nito.

Sa kasalukuyan ay wala pang nakikitang mga langis sa bahagi ng municipal water ng Nasugbu.

Ang naturang bayan ang pinakamalapit sa mga bayan sa Cavite na apektado na ng oil spill.