Agarang nanawagan ang ilang senador kay bagong Finance Secretary Ralph Recto na ‘wag ng gumawa ng bagong buwis na magpapabigat sa bulsa ng bawat mamamayang Pilipino.
Ito ay alinsunod sa plano ni Recto na maitaas sa P4.3 trilyon ang taxes ng bansa sa susunod na taon.
Ayon kay Senate Minority Leader Koko Pimentel, imbis na magkaroon ng mga indirect taxes o buwis na ipinapatong sa mga produkto o serbisyo tulad ng value added tax (VAT) at excise tax ay mas makabubuti kung isususulong na lang ni Recto ang pagkakaroon ng buwis sa mga luxury items.
Samantala, iminungkahi naman ni Senador Win Gatchalian na paigtingin nalang ang pagkokolekta sa kasalukuyang umiiral na buwis imbis na bumubuo pa ng bago.
Sa kabilang banda, pinaalalahanan ni Senadora Imee Marcos si Recto na hindi pa tuluyang nakakabawi ang lahat mula sa pandemya kung kaya’t habulin nalang nito ang mga mandaraya sa buwis.
Maalala, isa sa mga ipinatupad ni dating finance secretary, Benjamin Diokno upang mapataas ang koleksyon ng buwis at matiyak ang maayos na kalusugan ng bawat Pilipino ay ang ‘junk food tax’.