SOROGON CITY – Narekober sa bulubunduking parte ng bayan ng Barcelona, Sorsogon ang isang improvised explosive device, umaga noong Linggo (Hulyo 18).
Ayon sa ulat, magsisilbi sana ng warrant of arrest ang tropa ng pamahalaan sa isang Rodito Espiṅa alias Pako, miyembro ng NPA na may kinakaharap na kasong Multiple Attempted Murder with Direct Assault, subalit nang pabalik na ang tropa ay nakatanggap ang mga ito ng impormasyon sa isang concerned citizen hinggil sa presensya ng dalawang hindi kilalang lalaki sa Sitio Barayong, Brgy Bagacay ng nasabing bayan.
Agad na rumesponde ang personahe ng Barcelona Police sa naturang lugar katuwang ang 2nd Provl Mobile Force Company, Provl Intelligence Unit, Albay PPO, 9th Spl Action Force-Spl Action Battalion at ng 504th Regl Mobile Force Battalion 5.
Pagdating sa nasabing lugar ay natanaw nila ang dalawang lalaki, subalit kumaripas ng takbo nang makita ang papalapit na mga awtoridad.
Kasamang narekober ang mahigit-kumulang 20 metros ng electrical wire, isang improvised shotgun at apat na bala nito.
Sa pahayag sa Brigada News FM-Sorsogon ng Barcelona Police, hihintayin pa umano nila ang resulta ng technical evaluation report ng explosive ordnance disposal unit (EOD) para makumpirma kung ang mga components sa IED na narekober ay kahalintulad ng IED na karaniwang ginagawa ng NPA, subalit ayon dito, wala namang ibang gumagawa ng IED sa lalawigan kundi ang mga rebeldeng grupong NPA.


