Malaki umano ang naitutulong ng technical assistance na ibinibigay ng Department of Health Region 2 sa bawat Local Government Unit para sa implementasyon ng mental health programs at pagtugon sa naitatalang kaso ng mental health challenges.
Ipinaliwanag ni DOH Cagayan Valley Center for Health Development Regional Director Dr. Amelita Pangilinan na maliban sa technical assistance ay mayroon ding naka-deploy na mga health workers sa mga paaralan na magsasagawa ng mental health counseling.
Bukod dito, dumaan din sa pagsasanay ang mga kawani ng Rural Health Units upang madagdagan ang kanilang kaalaman sa management assessment sa mga mental health cases.
Samantala, napag-alaman naman ng kagawaran na ang mga pasyenteng mayroong psychosis ay hindi naidadala sa mga psychiatrist dahil sa kakulangan sa pera.
Bilang tugon ay namamahagi na ang DOH ng anti-psychotic drugs at nag-deploy na rin ng mga psychiatrist sa mga urban areas.
Maliban dito, ang Cagayan Valley Medical Center ay magkakaroon na ng behavioral sciences kung saan magkakaroon ng department of psychiatry.