CAMARINES NORTE – Inihayag ni Camarines Norte Schools Division Superintendent Nympha Guemo na kailangan ang ibayong paghahanda sakaling magsimula na ang expanded implementation ng limited face to face classes.
Ayon kay Guemo, ibang- iba ito kumpara sa nakagawiang pagsasagawa ng klase noong wala pang pandemya.
Paliwanag nito na dapat ay mayroong class program para sa limited face to face classes upang kung sakaling payagan na ito ng gobyerno ay handing- handa na ang mga eskwelahan.
Importante umanong mayroong orientation ang mga magulang at estudyante bago magsimula ang limited face to face classes.
Dapat din aniyang maghanda ng communication plan ang mga eskwelahan dahil napakahalaga ng teknolohiya ngayong panahon kumpara dati kaya ang pagkakaroon ng kahit man lang isang cellphone sa isang pamilya ay makakatulong.
At kung kaya lang din naman aniya ng pondo ng mga paaralan ay mas mainam kung magpagawa ito ng information and communication materials upang palaging napapaalalahanan ang lahat sa pagsunod sa health protocols at safety.
Ito na rin daw ang magsisilbing bibliya o reference ng mga magulang at estudyante dahil nakapaloob na sa IEC materials ang ano ang mga gagawin at susundin sa pagpasok sa eskwela
Dito umano ay nakalagay na ang oras ng pagpasok, recess at pag uwi ng mga bata depende sa kanilang grade level dahil hindi aniya pwede ang sabay- sabay na pagpasok at pag uwi ganun din ang pagkain sa canteen kung naka- break sa klase.
Kailangan din umano na mayroong contignecy plan ang mga eskwelahan upang alam ng mga ito ang gagawin sakaling mayroong guro o estudyante na magpositibo sa COVID- 19.
Ayon pa kay Gueno, mas magiging abala rin ang School Health Personnel dahil kailangang i- deploy ang mga ito sa bawat district upang mamonitor ang mga paaralan.
Sa ngayon ay hindi pa pinapayagan ang limited face to face classes sa basic education dito sa lalawigan ng Camarines Norte.
Ang isa kasing dapat sana ay makakasama sa unang batch ng mga eskwelahan sa buong bansa na magpapatupad ng limited face to face classes ay hindi nakalusot sa ginawang revalidation.
