Sumisigaw pa rin ng hustisya ang magulang ni Jerome Cacatian- ang binata na namatay matapos makuryente sa Sitio Ongolan, Poblacion, Araceli, Palawan.
Ayon kay Mrs. Merla Yseg, nais nyang mapanagot kung sino ang may kapabayaan bago mangyari ang trahedya sa 18 anyos na anak noong July 7, 2022.
Sa programang Tira Brigada, ipinagdiinan niya na may nagpabaya o hindi nag-asikaso sa nakalaylay na PDX wire kaya maagang nasawi si Jerome.
Sa imbestigasyon ng Araceli MPS, bago ang insidente ay nagba-basketbol ang biktima kasama ang mga kaibigan nang aksidenteng nadikitan nito ang bakal na poste ng basketball ring kung saan nakadikit ang kable.
Isinugod sa Rural Health Unit ang binata subalit hindi na ito umabot nang buhay, ayon pa sa PNP.
Kaugnay nito, kinumpirma ni kapitan Joaquin Arzaga ng Poblacion Araceli na ang linya ng kuryente ay nagmula municipal hall ng Araceli.
Ayon sa punong barangay, walang kinalaman ang barangay sa paglagay o pagpalupot ng live wire sa basketball ring kung saan may nakuryente.
Dagdag ni Kap. Arzaga, konektado ang linya mula sa loob ng munisipyo patungo sa Agriculture Office.
Samantala, hinikayat ng punong barangay ang magulang ng namatay na binata na maghain ng pormal na reklamo upang maipatawag ang mga sa tingin nilang may kapabayaan sa nangyari.