Lumarga na ngayong araw ang ikalawang bahagi ng ‘Duterte Legacy Summit’ o ang programa ng outgoing administrasyon para ibida ang mga napagtagumpayan ng kanilang mga Cabinet Clusters.
Pinangunahan ni acting Presidential spokesperson PCOO Secretary Martin Andanar ang programa at inilahad ang mga nakamit at nagawa ni Pangulong Rodrigo Duterte sa nakalipas na anim na taon.
Ipinagmalaki ni Andanar na maganda ang mamanahing administrasyon ni President-elect Bongbong Marcos.
Inisa-isa naman ni Health Secretary Francisco Duque ang mga naging reporma sa health sector.
Kabilang na rito ang pagkakalagda ng Universal Healthcare Act at ang mga ipinatayong Malasakit Centers.
Ibinida rin ni Duque ang ginawang vaccination drive ng gobyerno para maiwasan ang muling pagdami ng COVID-19 cases sa bansa.
Tinalakay naman ni CHED chairperson Popoy de Vera ang ilang mga programa kagaya ng Universal Access to Quality Tertiary Education kung saan ay natulungan ang mga college students para ‘di na magbayad ng matrikula at iba pang miscellaneous fees.
Nagsalita na rin si Labor Secretary Silvestre Bello kung saan ay ibinida nito ang mga hakbang ng DOLE para matiyak na maayos ang kalagayan ng ating mga kababayang manggagawa.
Sinikap din umano ng DoLE na magkaroon ng maayos na working environments at maraming trabaho sa Pilipinas para hindi na mapilitan ang mga Pilipino na mangibang-bansa pa.
#