Patuloy na tumutulong ang Highway Patrol Group sa local police sa pagsasagawa ng Comelec checkpoint kaugnay pa rin sa papalapit na national and local elections sa Mayo 9.
Ngayong linggo ay sumama ang mga tauhan ng Provincial Highway Patrol Team sa ilang mga Municipal Police Stations sa lalawigan sa pagmamando ng Comelec Checkpoint.
Noong Martes ay kasama ang HPG ng Daet Municipal Police Station sa pagsasagawa ng checkpoint sa kahabaan ng Maharlika Highway sa Barangay Camambugan.
Nitong Miyerkules naman ay sumama ang grupo sa mga personnel ng Labo Municipal Police Station para sa pagsasagawa ng kahalintulad na checkpoint sa Barangay Bautista sa bayan ng Labo.
At kahit tapos ang Semana Santa ay tuloy- tuloy din ang SUMVAC 2022 operation ng HPG kung saan regular itong bumibisita sa iba’t- ibang terminal.
Ito ay upang magbigay ng mga paalala o safety tips sa Bagong Normal para sa ligtas na biyahe.
Ipinapaalala sa mga pasahero, driver at kundoktor ang kahalagahan ng pagsusuot ng face mask at pagsunod sa physical distancing para makaiwas sa COVID- 19.
Mababatid na ilang linggo na ngayong walang aktibong kaso ng naturang sakit sa lalawigan.