CAMARINES NORTE – Naglunsad ng joint operation ang Land Transportation Office at Philippine National Police Highway Patrol Group sa bus terminal bilang bahagi ng Oplan Pasko.
Kahapon ay tinungo ng mga ito ang DLTB bus terminal dito sa bayan ng Daet upang magbigay ng mga paalala sa mga driver at kunduktor gayun din sa mga pasahero para sa ligtas na pag biyahe ngayong kapaskuhan.
Isa- isang ininspeksyon ng mga tauhan ng LTO at HPG ang mga accessories nito gayundin ang mga gulong.
Ayon kay LTO Daet Assistant Chief Romeo Candelaria, layon ng serye ng mga inspeksyon na masiguro ang kaligtasan ng mga biyahero palabas at papasok ng lalawigan.
Sabi pa ni Candelaria na bagamat may kautusan si LTO Chief Assistant Secretary Atty. Vigor Mendoza na maximum tolerance sa mga unregistered ngayong panahon ng kapaskuhan, mag iisyu pa rin umano sila ng ticket sa mga blatant violation tulad ng reckless driving at overloading.
Samantala, agad na lumabas sa kalsada ang mga tauhan ng HPG at LTO pagkagaling sa terminal.
Ito ay upang manghuli naman ng mga pasaway na motorista sa kahabaan ng Maharlika Highway sa Barangay Camambugan.
Aabot sa mahigit 50 ticket ang kanilang naisyu dahil sa iba’t- ibang paglabag.
Pinakamarami ang nahuli dahil sa paglabag sa helmet at seatbelt laws.
Sabi ng HPG ginagawa nila ang mga ganitong operations para maiwasan ang mga aksidente sa kalsada at maiiguro ang maayos na daloy ng trapiko.
