House panel, imumungkahi na ibasura o i-delay ang implementasyon ng revised guidelines ukol sa RFID

Maghahain ng resolusyon ang House Committee on Transportation upang irekomenda ang pagbasura o pag-antala sa implementasyon ng Joint Memorandum Circular na magpaparusa sa mga motoristang may kulang o zero load balance sa RFID sa mga toll expressways.

Nakapaloob ang mga parusa sa JMC 2024-001 o ang Revised Guidelines for All Vehicles Travelling on Toll Expressways.

Sa pagdinig ng komite, binatikos ng mga kongresista ang anila’y pagpapalabas ng JMC nang hindi dumadaan sa public consultation o hearing.

Read More:  Pulong Duterte says Marcos won because of VP Sara

Inatasan ni Antipolo City Representative Romeo Acop ang committee secretary na ihanda ang resolusyon na nagsasaad ng mungkahi ng panel na iantala o ibasura ang pagpapatupad sa JMC hangga’t hindi nakukuntento ang mga mambabatas na efficient ang tollway systems.

Iginiit ni Acop na hindi naman lahat ng motorista ay kayang mag-load ng isanlibo o tatlong libong piso sa RFID kaya inusisa nito kung nagsagawa man lang ng survey upang alamin ang kapasidad ng mga gumagamit nito.

Sakaling may kongresistang maghain ng resolusyon para paimbestigahan ang isyu agad aniyang kikilos ang Transportation Committee.

Read More:  New DOLE Chief Tolentino vows stronger labor safety enforcement

Ipinaliwanag naman ni Toll Regulatory Board Executive Director Alvin Carullo na ang layunin ng JMC na maibsan ang mabigat na trapiko sa mga toll plaza na karaniwang dulot ng kakulangan o walang load balance sa RFID kaya hindi umaangat ang barrier.

Punto naman ni ABANG LINGKOD Party-list Representative Stephen Paduano, alisin na lamang ang petsa na October 1 bilang deadline kung hindi kayang ipatupad at hindi maaayos ang sistema.