Aprubado na ng House Committee on Transportation ang resolusyon na humihiling kay Pangulong Bongbong Marcos na ikonsidera ang pagpapalawig sa deadline ng industry consolidation sa ilalim ng PUV Modernization Program.
Muling nagmosyon si Santa Rosa City Representative Dan Fernandez na aprubahan na ang kanyang resolusyon dahil hindi ito nagawa noong nakalipas na pagdinig dulot ng kawalan ng quorum.
Sa pamamagitan nito ay mabibigyan ng pagkakataon ang Department of Transportation na solusyunan ang mga isyu hinggil sa implementasyon ng programa.
Lumusot sa House panel ang resolusyon ngunit “subject to style and amendment”.
Samantala, tiniyak ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB na walang magiging shortage o kakulangan sa bibiyaheng PUVs pagsapit ng February 1.
Sinabi ni LTFRB Board Member Riza Marie Paches na may mga operator na nag-consolidate na sasalo sa mababakanteng “existing” o umiiral na ruta.
Ngunit kinuwestyon ni Transport Committee Chairperson Romeo Acop kung bakit nagtalaga na ng mga ruta ang LTFRB kahit 10 percent pa lang ang “rationalized” at 76 percent ang na-consolidate.
Paliwanag ni Paches, valid pa ang kasalukuyang mga ruta kaya nag-assign ng consolidated entities at mayroon naman umanong ibang alternatibong “mode of transportation” sa mga maaapektuhang ruta.