House hearing sa ‘war on drugs’, isa lang umanong daan para baliktarin ang katotohanan – Sen. Go

Naniniwala si Senador Christopher ‘Bong’ Go na ginagamit lang ang pagdinig sa Kamara upang baliktarin ang mga totoong nangyari sa ipinatupad na ‘war on drugs’ ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Kasunod nito, posibleng magkaroon umano ng lakas ng loob ang bawat drug lords at kriminal na ipagpatuloy ang kanilang illegal na aktibidad, bagay na kinatatakot umanong mangyari ng senador dahil magbabalik ang korupsyon sa gobyerno.

Ayon kay Go, tila nakakapagtaka rin ang kasalukuyang nangyayari lalo na’t puro standing ovation naman ang Kongreso noon sa mga pagbabagong ipinatupad ni Duterte sa kanyang termino.

Dagdag pa niya, bago rin bumaba si Duterte sa pwesto ay kinilala rin ito bilang ‘Most Popular President’ base sa naging survey ng Social Weather Stations kung saan nakakuha ito ng 88% na satisfaction rating.