Nanindigan ang House Blue Ribbon Committee sa pag-abswelto kina Pangulong Rodrigo Duterte at dating Presidential Adviser Michael Yang sa isyu ng kwestiyunableng transaksiyon ng gobyerno sa Pharmally Pharmaceutical.
Ayon kay Committee chairman DIWA party-list Representative Michael Aglipay, batay sa kanilang imbestigasyon walang ebidensiya na nag-uugnay sa Pangulo at kay Yang sa kontrobersiyal na Pharmally deal.

Ginawa ni Aglipay ang pahayag matapos lumabas ang senate blue ribbon resolution na salungat sa kanilang findings.
Batay sa rekomendasyon ng Senate Blue Ribbon, pinakakasuhan nito sina Health Secretary Francisco Duque III, former presidential economic adviser Michael Yang, former budget undersecretary Lloyd Christopher Lao, Overall Deputy Ombudsman Warren Liong na dating director ng Department of Budget and Management-Procurement Service (PS-DBM).
Nilabag naman umano ni Pangulong Duterte ang ‘Betrayal of Public trust’ dahil sa pagtatanggol nito kay Yang.
Samantala sa kabila nito sinabi ni Aglipay na magkaiba ang kanilang findings ng senado sa parahong isyu, ibinase lamang nila ang kanilang rekomendasyon sa testimonial at documentary evidences.