Virac, Catanduanes– Nagpahayag ng kanyang opinyon ang alkalde ng Virac, Catanduanes na si Mayor Sinforoso Sarmiento hinggil sa ipinatutupad na “granular lockdown” sa mga barangay at komunidad sa lalawigan na nakakapagtala ng mataas na kaso ng COVID-19.
Ayon kay Sarmiento, sa tingin niya ay mas mainam na “home lockdown” na lamang ang ipatupad sa halip na “granular lockdown” upang hindi gaanong malawak at marami ang maapektuhan ng pagpapatupad ng nasabing protocol na may layuning ma contain ang pagkalat ng COVID-19.
Wala na kasi umanong sapat na pondo ang kanilang munisipyo at maging ang iba pang bayan sa Catanduanes upang masustentuhan ang pangangailangan ng isang barangay na isinailalim sa granular lockdown.
Matagal na umanong depleted ang pondo ng mga LGU sa COVID-19 response sa loob ng mahigit isang taong pakikipaglaban sa pandemya kaya’t wala nang sapat na kakayahan ang LGU na magbigay ayuda sa mga apektadong residente.
Sa home lockdown, tanging ang bahay lamang ng residenteng nag positibo sa COVID-19 at mga kapamilya nito ang isasailalim sa 14 na araw na isolation sa halip na buong barangay.
Sa huli, nakiusap ang alkalde sa publiko na mas maigi pa ring sundin ang mga minimum health protocols at kasuhan ang sinumang mahuhuling lalabag dito.
Sa pinakahuling ulat, pumalo na sa 717 ang kumpirmadong kaso ng sakit sa islang lalawigan, matapos na maiulat ang panibagong 29 na kaso ng COVID-19 kahapon kung saan karamihan sa mga ito ang mula sa kabiserang bayan ng Virac.###