Nagsimula umano ang pagtaas ng mga naitatalang kaso ng COVID-19 sa City of Ilagan dahil sa mga dumarating na locally stranded individuals na walang kaukulang dokumento.
Ito ang inihayag ni City Public Information Officer Paul Bacungan batay aniya sa naging monitoring ng City Health Office sa naging panayam ng 92.9 Brigada News FM Cauayan.
Aniya, may mga dumarating sa kanilang syudad na mga LSI na walang mga dalang negative RT-PCR test result kaya kapag dinadala na sa mga isolation facilities at isinasailalim sa naturang test ay napag-aalaman na positibo ang mga ito sa virus.
Dagdag pa niya na may ilang mga kababayan nilang nagtutungo sa mga high risk areas at pagdating sa lunsod ay nagpopositibo na sa COVID-19.
Dahil dito ay sinabi ni PIO Bacungan na sa ngayon ay lalo pa silang naghigpit at tinututukan ang mga travel documents ng mga pumapasok sa lunsod.
Ipinag-utos na rin aniya ni Mayor Jose Marie Diaz ang pagbabalik ng mga barangay checkpoints para mamonitor ang mga dumarating sa bawat barangay at maiwasan ang ganitong mga pangyayari.
Sa datos na inilabas ng Isabela PIO ngayong araw, August 16, 2021 ay mayroong 81 active cases ang City of Ilagan kung saan napabilang na rin sa alert level 4 ang syudad dahil sa pagtaas ng kanilang kaso sa nagdaang dalawang linggo.
Nadagdagan din ang mga barangay na isinailalim sa lockdown na ngayon ay nasa 40 barangays na hanggang August 23, 2021.
Epektibo na rin ang liquor ban at coding scheme sa lahat ng mga uri ng behikulo.
Ayon pa kay PIO Bacungan, nakikiusap ang kanilang alkalde sa lahat ng mga papasok sa syudad na magdala ng kinakailangang mga dokumento katulad ng valid ID at travel pass sa mga APOR at negative RT-PCR test result naman sa mga manggagaling sa critical areas.