KORONADAL CITY- BINUKSAN na noong Miyerkules ang Hemodialysis Unit sa South Cotabato Provincial Hospital (SCPH).
Inihayag ni Dr. Danille Emerald Galang, nephrologist at head ng Hemodialysis Unit na operational na ang 8 mga dialysis machines, habang back up naman ang dalawa.
Sa initial operation, walong mga pasyente pa lamang ang kayang maserbisyuhan nito sa isang araw ngunit ayon kay Galang na target nila ang maximum na 24 na pasyente kada araw oras na maging fully operational na ito.
Ang isang dialysis session ay nagtatagal ng apat na oras.
Malaking karangalan naman para kay Galang na pamunuan ang naturang pasilidad na nagbibigay ng libreng dialysis treatment sa mga mahihirap na mga pasyente.
Isa sa mga pasyenteng unang naka-avail ng libreng dialsysis ang 15 anyos na si Alexa Mae Sornito ng Barangay San Isidro, Koronadal City.
Ayon sa ina nito na si Arlene Anas, malaking tulong ang free dialysis sa pagpapagamot ng kanyang anak lalo na’t wala ang mga itong regular na pinagkakakitaan upang pambayad sa dialysis.
Labis naman ang pasasalamat nito kay Governor Reynaldo Tamayo Jr sa pagpapatupad ng naturang programa na makatutulong sa mga mahihirap na isinasailalim sa dialysis treatment.
