SORSOGON CITY—Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng PNP sa nangyaring pamamaril-patay sa isang magsasaka na asawa ng isang Barangay Kagawad sa Barangay Tupaz, Donsol, Sorsogon nitong Martes.
Nakilala ang biktima na si Mario Lopez Jazo, 52-anyos at residente ng nasabing barangay,
Ayon sa ulat ng PRO5, nakatayo sa labas ng kanyang bahay ang biktima nang lapitan ng mga suspek at pinagbabaril gamit ang dalawang klaseng armas.
Dead on the spot ang biktima dahil sa mga tama ng bala sa iba’t-ibang bahagi ng katawan nito habang ang mga suspek ay mabilis na tumakas sa hindi malamang direksyon.
Sa pahayag sa Brigada News ng PNP, lumabas sa SOCO report na base sa mga nakuhang basyo ng bala sa crime scene, kalibre 45 na pistola at Armalite ang armas na ginamit ng mga salarin.
Sa ngayon ay blangko pa ang mga awtoridad sa pagkakakilanlan ng mga suspek at sa motibo sa pagpaslang sa biktima.