CAMARINES NORTE- Nananatiling nasa low risk level ang healthcare utilization rate sa lalawigan ng Camarines Norte.
Ayon sa Department of Health sa 172 kama na inilaan para sa mga pasyenteng may Covid nasa 62 lamang dito ang nagamit o katumbas ng 35. 5 % utilization rate.
Sa ngayon ay mayroon pang natitirang 111 bakanteng kama para sa Covid patients.
Una nang tiniyak ni acting Provincial Health Officer Dr. Arnel Francisco na sapat pa rin ang mga kama sa Camarines Norte Provincial Hospital (CNPH) para sa mga pasyenteng may COVID- 19 sa kabila ng araw- araw na mataas na naitatalang kaso ng sakit sa lalawigan.
Sa katunayan ay hindi nga raw isyu ang kakulangan ng kama sa naturang ospital dahil sa ginagawang mga stratehiya ng Provincial Health Office.
Paliwanag ni Francisco na naiiwasan pa rin ang pagkapuno ng ospital dahil ang mga COVID positive na asymptomatic at mayroong mild symptoms ay hindi naman dito dinadala.
Ang mga ito aniya ay nasa Temporary Treatment and Monitoring Facility (TTMF) ng mga LGU.
Hindi daw kailangang tapusin sa ospital ang isolation ng mga pasyenteng may COVID dahil kapag pwede na ay sa TTMF na ito dinadala para ipagpatuloy ang quarantine period.
