Mariing inihayag ng ilang mga Senador na wala sa lugar ang hayagang pagkastigo ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Commission on Audit (COA).
Ayon kay Sen. Ping Lacson, ang COA ay constitutional body na hindi sakop ng tanggapan ng Pangulo at independent din aniya ito mula ehekutibo at sa legislative.
Ginagampanan aniya ng COA ang mandato at responsibilidad nito sa taong bayan at sa konstitusyon na busisiin ang paggamit ng pondo ng gobyerno.
Hinikayat naman ng Senador ang COA nahuwag magpasindak sa mga batikos, kahit ito pa ay nanggaling sa bibig ng Presidente at sa halip ay lalo pa itong magpursige na gampanan ang kanilang tungkulin.
Ayon naman kay Senador Risa Hontiveros, abogado ang Pangulo at dapat alam niyang independent ang COA kung saan hindi niya maaaring hadlangan sa kanilang trabaho.
Sumbat ng Senadora, sinabi ng Pangulo na kontra siya sa katiwalian kaya tanong niya rito, bakit pipigilan ng Pangulo ang COA na ilabas ang mga nararapat na audit reports.
Para naman kay Senador Francis “Kiko” Pangilinan, hindi ang COA ang may pagkakamali at ang DOH kung kaya’t dapat sila ang pinag-iinitan ng Pangulo. // MHEL PACIA-TRINIDAD
