Halos 50 empleyado ng isang supermarket sa Makati, nahulihan ng “fake health clearances”

Ipinag-utos ni Makati City Mayor Abby Binay sa city inspectors na suriing mabuti ang mga work permit ng mga manggagawa sa mga establisyimento.

Ito ay matapos matuklasan ang mga pekeng health certificates na ginagamit ng mahigit 40 kawani ng isang supermarket.

Ayon sa City Health Officer na si Ronald Unson, 48 indibidwal ang may pekeng health clearances sa kanilang pag-inspeksyon sa employee records ng WalterMart Makati.

Unang naghinala ang City Veterinary Services Department sa mga dokumentong isinumite ng dalawang meat handlers ng WalterMart na naga-apply para sa Meat Handler’s Permit at nakumpirmang peke ang mga ito matapos i-verify sa MHD and Business Permit and Licensing Office.

Napag-alaman din ng city inspectors na ang ilan sa mga empleyado ay nagbayad ng tig-P1,000 sa kanilang katrabaho para makakuha ng pekeng health certificates nang hindi na kailangang dumaan sa proseso.

Sa ngayon ay sinusuri na ng city Law Department ang kaso para sa posibleng pagsasampa ng criminal charges dahil sa falsification of official documents.