Guo, Cassy, Roque, focus ng Quad Comm bukas

Nakatakdang sumalang sa ika-anim na pagdinig ng Quad Committee sa Kamara si dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo upang usisain hinggil sa isyu ng ilegal na Philippine Offshore Gaming Operators o POGO.

Ayon kay Quad Committee Chairman at Surigao del Norte Representative Robert Ace Barbers, lumiham na sila sa Regional Trial Court Branch 282 ng Valenzuela City na may hurisdiksyon sa kaso ni Guo Hua Ping upang pahintulutan itong makadalo sa imbestigasyon bukas.

Iimbitahan din aniya ng mega-panel sina Cassandra Li Ong at ang pinaghahanap ng mga awtoridad na si dating Presidential Spokesperson Harry Roque.

Kinumpirma ni Barbers na hiniling na ng quad comm sa Bureau of Immigration na maglabas ng hold departure order laban kay Roque dahil itinuturing na umano siyang pugante.

Dagdag pa ng kongresista, nananatili ang imbitasyon kay dating Pangulong Rodrigo Duterte na humarap sa pagdinig ng Quad Comm kaugnay ng umano’y pagkakasangkot sa extrajudicial killings.