CAMARINES NORTE – Nag- umpisa na simula ngayong araw, August 28, 2023 ang pagpapatupad ng gun ban ng Commission on Elections kaugnay ng nakatakdang Baranggay at Sangguniang Kabataan elections sa Oktubre.
Ayon kay Election Officer III Annelyn Abanes, asahan na rin ang regular na Comelec checkpoint hanggang sa pagtatapos ng Election Period sa Nobyembre.
Batay sa Comelec Resolution No. 10918, na na- promulgate noong Mayo 2023, ipinagbabawal na ang pagdadala ng armas at mga patalim sa labas ng bahay at pampublikong lugar.
Gayundin ang pagbiyahe at pagdedeliver ng mga baril, bala, mga pampasabog at anumang kahalintulad nito.
Ani Abanes, wala namang pagbabago sa mga patakaran sa Comelec checkpoint.
Tulad ng dati, ipapatupad pa rin ang “plainview doctrine” sa mga Comelec checkpoint sa buong bansa.
Nangangahulugan ito na hindi kailangang buksan ng mga motorista ang kanilang sasakyan sakaling inspeksyunin ng mga pulis.
Pero mayroon namang exemption sa doktrina lalo’t kung may makitang kahina-hinalang kontrabando sa loob ng sasakyan.
Sa ganitong sitwasyon ay kailangan na ng physical searching at sakaling mapatunayan na may dalang kontrabando ang mga motorista tulad ng iligal na droga at armas ay maaari silang arestuhin.
