Guidelines sa pag- avail ng Calamity Assistance Package sa mga lugar na sinalanta ng bagyo kabilang na ang Camarines Norte isinasapinal pa ng SSS

CAMARINES NORTE- Isinasapinal pa ng Social Security System (SSS) ang guidelines at effectivity date para sa Calamity Assistance Package (CAP) sa mga biktima ng severe tropical storm “Paeng” sa mga miyembro nito na nakatira sa mga lugar na isinailalim sa “State of Calamity.”

Batay ito sa advisory ng ahensiya na ibinahagi sa media ni SSS Luzon Bicol Division Senior Communications Analyst Quennie Joy Agsao nitong Huwebes, November 3.

Ang mga lugar na na idineklarang nasa ilalim ng “State of Calamity” ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) o ng Sangguniang Bayan/Panlunsod/Panlalawigan ay maaaring mag- avail sa programa.

Read More:  Duterte slams Tinio over Davao flood complaint, questions Marcos admin silence

Kabilang dito ang lalawigan ng Camarines Norte na kamakailan ay isinailalim sa state of calamity sa bisa ng Sangguniang Panlalawigan Resolution sa ginawang special session pagkatapos ng bagyo.

Ang pagsasailalim sa lalawigan sa state of calamity ay dahil na rin  sa kahilingan ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office bunsod ng mga pinsalang iniwan ng bagyo na nakaapekto sa kabuhayan ng marami.

Ayon kay Agsao ipapalabas ang guidelines at effectivity date nito sa website at mga social media channels kapag ito ay available na.

Read More:  11 rescued after pumpboat capsizes near Guimaras

Kaugnay nito ay hinihimok ang lahat ng miyembro na mag enroll sa My.SSS Portal sa SSS website na www.sss.gov.ph dahil ang mga applications para sa CAP ay dito idadaan.

Batay sa datos ng Provincial Agriculturist na isinumite sa tanggapan ni Governor Ricarte “Dong” Padilla, as of October 31, 2022, aabot sa P167, 206,954.91 ang halaga ng partial damage sa agrikultura sa Camarines Norte.

Apektado dito ang nasa 845 palay famers mula sa kabuuang 4,218.18 hectares.

Bukod dito may mga nasira ding kabahayan at naapektuhang hanapbuhay dahil sa pinsalang idinulot ng bagyo.