CAMARINES NORTE- Nangako si Governor Ricarte “Dong” Padilla na hindi magtatanggal ng job order employee sa kapitolyo kahit pa ito ay hindi kasama sa pulitika.
Sa halip pag- aaralan pa raw nila ni Vice Governor Joseph Ascutia kung paano patataasin ang kakarampot na sweldo ng mga ito.
Sa kaniyang kauna- unahang pagdalo sa Flag Raising Ceremony kaninang umaga bilang bagong Gobernador, sinabi ni Padilla na walang dapat ipag- alala ang mga job order employee dahil wala silang tatanggalin.
Hihingin umano niya sa Sangguniang Panlalawigan na rebyuhin ang tax ordinance at pag- aralan kung pano patataasin ang income ng Provincial Government.
Sa ganitong paraan ay maaari aniyang madagdagan ang sweldo ng mga Job Order employee lalo na ang mga sumusweldo lang ng P350.
“Alam ko pong nag- aalala kayo na ang iniisip niyo po siguro walang gagawin si Governor Dong at si Vice Governor Joseph Ascutia ay kung hindi tanggalin nang tangalin yung sa tingin namin hindi namin kasama sa pulitika, ito po ang tandaan ninyo, hindi po mangyayari yan,” ani Padilla.
“Kaya po ang pag- aaralan namin unang- una we will rationalize, we will streamline and we will try and do our best to increase the income, the revenues of our Provincial Goverment nang sa ganun pag aaralan namin pagsisikapan namin na maitaas ang sweldo ng mga job orders dahil nakikita po namin ang pangangailangan.”
Ang hiling lang umano ng Gobernador sa mga empleado ay magsilbi ng tapat at ayusin ang pagtatrabaho.
“Hindi niyo po kailangang sumipsip sa akin, hindi niyo kailangang sumipsip kay Vice Governor ang kailangan po tayo ay magrabaho ng tama.”
Umapela rin ang Gobernador sa lahat na mag move on na dahil tapos na ang pulitika.
Sa ganitong paraan ay mahihilom ang sugat na dulot ng nakaraang eleksyon.
